Ang Agimat sa Alamat ni Ryan Rems Sarita: Bakit Siya Bumebenta?

Erratum (August 10, 2015): Nagkamali ako sa pagtukoy ng totoong twitter account ni Ryan Rems. Pwede ninyo i-follow si Ryan Rems sa @alamatryanrems

"SIMULAN NATIN ANG ALAMAT!"

Marahil nakita ninyo na sa tv, internet o sa social media ang isang lalakeng patpatin at mahaba ang buhok. Parang pamangkin ni Rene Requiestas at Tado pero may asta ni Robin Padilla. Mabilis kung bumanat ng mga jokes na laging nagtatapos sa "orayt! rock n roll to the world" sabay pasok ng sikat na intro ng Sweet Child O' Mine ng Guns N' Roses. Siya si Ryan Rems Sarita. Isa sa mga finalist ng Funny One segment ng It's Showtime kung saan naghahanap sila ng mga panibagong komedyante. Naiiba si Ryan Rems sa ibang mga kalahok dahil sa loob ng isang buwan, umabot na siya ng seven million views sa YouTube, 82 thousand twitter followers at may naglabasan nang mga meme na parang ganito:

Hindi lang iyon, pasok na rin siya sa finals ng kompetisyon. Sa lakas ng hatak niya sa tao, hindi nalalayo na siya ang manalo. Ano ba meron kay Ryan Rems at solb na solb ang mga manonood sa kaniyang comedy routine? Base sa panonood ko ng anim niyang videos sa Funny One sa YouTube, ito ang mga possible dahilan kung bakit benta siya:

ITSURA

Importanteng pag-usapan ang kaniyang itsura dahil likas sa komedya ng Pilipino ang Visual Comedy. Yung tipong literal na nakikita yung joke. Kaya nga ang sinaunang komedya natin ay base sa tinatawag na slapstick humor. Yung mga pagbatok, pagsampal, o pagdura ng tubig sa mukha parte ang mga ito ng Slapstick Humor. Paminsan sa pangalan pa nga lang ng ibang komedyante eh alam mo na agad ang kanilang gimik. Tignan mo: si Richie d' Horsie (RIP) nakakatawa kasi mukha siyang kabayo, si Babalu (RIP) nakakatawa dahil mahaba ang baba, si Vice Ganda nakakatawa kasi kasing ganda niya ang Vice President.

  • MUKHANG TAMBAY....

Patpatin at mahaba ang buhok. Nakamaong, naka-shirt, naka-chaleco at may suot na shades. Kamukha niya yung tito mong hindi na naka-let go sa Aerosmith, Guns n' Roses at Bon Jovi. Pwede rin siya yung ka-inuman parati ng tatay o kuya mo. O kaya yung tao sa kantong babati sa 'yo ng, "Good morning idol! Ang ganda mo ngayon ah". Hindi ba ang daling isipin si Ryan Rems sa mga sitwasyon na ito?

Ang punto ko ay dahil napaka-common ng itsura niya na madali sa mga tao makarelate sa kaniya. Ang stand-up comedy, kung tutuusin ay pagkwekwento sa isang audience. Hindi ba mas gugustuhin mong pakinggan yung daldal ng kaklase mo sa iskul kesa sa guro mo? Dahil sa totoo lang, mas close ka sa kaklase mo kesa sa guro. At sa ganoong paraan rin ang appeal ni Ryan Rems. Dahil mas komportable ka sa itsura niya, mas madali niyang nakukuha ang atensiyon mo.

  • ...PERO ROCK! (MAY CONFIDENCE)

Kahit na pwede siyang pagkamalang tambay, o parte ng isang riding in tandem, hindi mapagkakaila ang confidence ni Ryan Rems. Sa tindig...sa malalim niyang boses at kung papaano niya binibitawan ang bawat linya ng joke niya (na may sabay alis ng mic sa bibig na parang kumakanta). Hindi ko alam kung kaya niyang abutin ang chorus ng Sweet Child O' Mine pero kuhang-kuha talaga niya ang pagiging bokalista ng isang rock band.

Hindi ka lang nagkwekwento sa stand-up comedy, kundi nagbebenta ka rin ng ideya sa manonood. At makakatulong ng malaki sa pagbenta kung ang ahente mo ay may kumpiyansa sa kanyang sarili. At kung kumpiyansa sa sarili ang pag-uusapan, hitik na hitik sa confidence ang persona ni Ryan Rems.

  • CONSISTENT ANG PERSONA

Hindi lang naman si Ryan Rems ang kalahok sa Funny One. Marami pang ibang kasing galing ni Ryan Rems. Pero si Ryan Rems ang tumatatak sa kamalayan ng mga manonood. Bakit? Dahil, hindi kagaya ng iba mga kalahok, iisa lang ang persona ni Ryan Rems. Alam ng lahat na isa siyang rockstar. Hindi siya nagskiskit, o nag-iiba ng karakter sa bawat performance. Alam na alam mong si Ryan Rems ay isang rockstar.

Kung nanonood ka ng wrestling, sigurado akong kilala mo si Undertaker. Hindi kagaya ng ibang mga wrestler na iniiba-iba ang karakter consistent si Undertaker. Mula ng nagsimula sa WWE noong 1990, ito na ang karakter na ginagamit ni Mark Calaway (ang totoo niyang pangalan). At alam na lahat ng mga manonood kung ano ang tatak Undertaker: mahabang buhok, namumuting mga mata, sombrerong itim, ubeng gloves at kanyang finisher na Tombstone Piledriver. Sa loob ng 25 years na career niya sa WWE, siya ay naging paborito ng madla.

Parang ganoon rin si Ryan Rems. Dahil consistent ang kaniyang persona, mas madaling nakakasunod ang madla sa kung ano man ang binibenta niyang joke.

PERFORMANCE

Siyempre hindi lang naman nasusukat ang kagalingan ng isang komedyante sa itsura lang. Lahat ng mga namumukod-tanging mga komedyante may ibubuga rin dapat ang material. Para klaro, gamitin natin ang performance niyang ito bilang basehan ng susunod na argumento:

 

 

  • RELATABLE ANG TOPICS

Karaniwang naiisip kapag sinabing stand-up comedian ay ang mga foreign comics kagaya nila Russell Peters, Eddie Murphy o Robin Williams, Kung local naman, andiyan si Rex Navarette. Ang forte nila ay observational comedy, o yung paghanap ng mga nakakatawa sa mga karaniwang mga bagay. Dahil foreigners sila o base sa ibang bansa, ang topics nila sa kanilang mga obserbasyon ay foreign rin. English pa ang gamit na salita.

Kung sa Pilipinas, alam naman natin na pag Filipino stand-up comedy, ang unang pumapasok sa isipan natin ay ang mapanglait na style sa mga comedy bar. Kahit filipino man ang salita at relate nga sa topic, nakakabastos naman.

At dito mo makikita ang talino ni Ryan Rems. Kaya niyang mamangka sa dalawang ilog na walang aberya. Kahit na ang istilo niya ay parang kila Robin Williams, ang mga topics niya ay napaka-Pilipino pa rin. Pansinin ang mga topics niya doon sa video sa itaas: krimen (riding-in-tandem, mga snatcher), kahirapan (pagdidildil ng asin, rugby boys), kamatayan (lola na may alzheimer's) at pag-ibig (miss photogenic, pagdedeyt ng amoy bagoong). General man ang topic ang mga obserbasyon niya ay maka-Pilipino pa rin.

  • NILALAIT ANG SARILI

At kung gumagamit man siya ng panlalait sa kaniyang routine, ang madalas niyang pinupuntirya ay ang kaniyang sarili. Alam niyang mukha siyang carnapper, holdaper o mandurukot at mahusay niya itong naipapasok sa kaniyang mga jokes.

Bumebenta ito dahil labas ito sa karaniwang iniexpect ng mga tao sa isang Pinoy stand-up comedian. Nagagamit niya ang istilong ginamit nila Richie d' Horsie o ni Babalu noon. Hindi siya magtuturo ng audience member para laitin ang itsura, kundi sarili niya ang pagtatawanan niya.

  • SHORT BUT SWEET ANG MGA BANAT

Sa loob ng performance ni Ryan Rems sa itaas, nakabitaw siya ng 12 joke sa loob ng 4mins 30secs. Kung gagamit ng kaunting math, nakakabitaw siya ng 2.67 jokes bawat minuto. Eh sabi nga nila "brevity is the soul of wit". Ibig sabihin lang nito, maiikli man, may impact agad ang kaniyang mga joke. Hindi niya kailangang magpaligoy-ligoy o ng isang mahabang setup para sa isang punchline. Rektang tawa kaagad.

Ito ang nakatulong sa pagkalat ni Ryan Rems bilang meme. Sa ikli ng kaniyang mga jokes, na hindi kailangan ng maraming set-up, madali itong i-convert sa quotes (kagaya ng sample sa itaas). Parang yung mga banat ni Senador Miriam Santiago o ni Senyora, diretso sa punto kaagad.

  • MADALING SUNDAN ANG ROUTINE

Ganito kadalasan ang isang performance ni Ryan Rems sa Funny One:

Lalabas si Ryan Rems habang tumutugtog ang intro ng Sweet Child O' Mine Mag-aiair guitar ng konti Ibababa ang shades "Ayos ba tayo dyan?" "Rock en roll to the world, orayt! woo!" "simulan natin ang alamat" Sa bawat joke niya: 1. Magseset-up ng joke 2. Bibitawan ang punchline sabay guitar riff ng Sweet Child O' Mine 3. "Orayt! Rock en Roll to the world!" 4. Ilalabas ang mga kamay at iikot kung benta talaga ang joke 5. REPEAT

Kagaya ng sinabi ko ukol sa kaniyang consistent na persona, consistent rin ang daloy ng performance ni Ryan Rems. Kapag pinanood ninyo ang lahat ng kaniyang mga videos sa Funny One, mula noong first round hanggang sa semi-finals, consistent ang kaniyang routine.

Hindi ba boring na dapat ito? Dito na naman makikita ang kagalingan ni Ryan Rems kasi kahit na pare-pareho ang daloy ng kaniyang performance, iba-iba parati ang kaniyang mga joke.

Hindi lang sa bawat punchline siya nakakatawa, mayroon parating kasunod na Sweet Child O' Mine at "orayt! rock en roll to the world!" ang bawat joke. Nakakatawa ang "orayt! rock en roll to the world!" dahil swak ito sa persona niya na rockstar. Ito yung tipong isisigaw ng lead singer pagkatapos ng isang kanta.

Kaya kung tutuusin, dalawa lagi ang binabatong punchline ni Ryan Rems: isa yung sa joke, pangalawa yung tagline niya. Kaya kung ikaw naman ang manonood, kung natawa ka sa punchline ng joke niya, doble ang benta sa iyo pag binitawan niya na ang kaniyang tagline. Ang magaling pa rito, kung hindi man bumenta sa iyo ang joke, may sasalo pa rin na tagline kaya matatawa ka pa rin.

KUNG SUSUMAHIN, ANO ANG AGIMAT NI RYAN REMS?

  • Ang agimat ni Ryan Rems ay ang pagiging CONSISTENT niya. Consistent siya kasi madaling sundan ang kaniyang mga performance at jokes. IN SYNCH rin ang kaniyang itsura sa kaniyang persona at material. PREDICTABLE nga siya kahit papaano kasi alam na alam mong may parating na "orayt! rock en roll to the world!" pagkatapos ng punchline pero matatawa ka pa rin sa kaniya.
  • Good luck Ryan Rems! I-pagpatuloy mo ang nawalang pangarap ni Axl Rose!

"ORAYT! ROCK EN ROLL TO THE WORLD!"